Minsan Masaklap Talaga

Minsan ka na nga lang sumama sa gimik, hindi pa matutuloy.

Minsan ka na nga lang bumili ng ticket sa isang concert, sold-out pa.

Minsan ka na nga lang uminom ng kape, mapapaso ka pa.

Minsan ka na nga lang magluto, masusunog pa.

Minsan ka na nga lang magkapera, mananakawan ka pa.

Minsan ka na nga lang magbiyahe, masisiraan pa yung sinasakyan mo.

At minsan ka na nga lang magmahal, may mahal pang iba.

Ako’y nagbabalik matapos ang matagal tagal na pahinga.

MRT Part 2

Naiwan na naman ako sa istasyon ng tren. Magulo at maraming tao. Araw araw namang ganun na siksikan. Magaling ka na lang talaga kung nakakasakay ka sa tren kahit gaano pa ito kasikip.

Pero may mga pagkakataong hindi mo kailangang makipagsiksikan. Tulad nitong pagkakataong ito. Ano bang mapapala ko sa pakikipagsiksikan? Oo, makakasakay ako at mabilis akong makakarating sa dapat kong puntahan. Ngunit naisip kong tanungin ang sarili ko, kailangan ko ba talagang magmadali? Hindi naman siguro dahil wala naman akong hinahabol na oras. Kaya hindi ko din kailangang makipagsiksikan. Hindi ko kailangang ipagpilitan ang sarili ko lalo na’t alam kong masasaktan lang ako. Kaya napagdesisyunan kong magpaiwan na lamang sa istasyon. At ipagpatuloy ang paghihintay sa susunod na tren. Darating naman yan sa tamang oras. Kailangan lang talagang maghintay.

MRT

Ang pag-ibig ay parang pagsakay sa MRT, simula sa pagpila hanggang sa pagpasok sa gate at hanggang sa pakikigpagsiksikan sa pagsakay ng tren.

Mahaba ang pila. Matagal. Kailangan ng mahabang pasensya, katulad lang ng paghihintay sa pag-ibig. Wala kang ibang magagawa kung hindi maghintay sa pagkakataon mo. Sa MRT, hinding hindi maiiwasang may makabangga ka at hindi maiiwasang masaktan. Ngunit sa kabila nito, makikipagsiksikan ka at titiyagain mo upang makamit ang gusto. Minsan ay sadyang malas ka talaga. Kaunti na lang at malapit ka nang makasakay sa tren ngunit malalampasan ka pa ng pagkakataon. Dahil hindi lahat ng tao ay makakasakay sa tren sa oras na ninanais nila. Minsan ay kahit ilang minuto ka nang nakaabang, pag hindi ka na kasya ay wala kang magagawa kung hindi maghintay na lang sa susunod na tren. Parang sa pag-ibig lang. May dadaan ngunit hindi pala para sa’yo. Masasaktan ka lang kapag ipagpipilitan at ipagsisiksikan mo ang sarili mo. At babalik ka sa paghihintay hanggang sa dumating ang tren na talagang para sa’yo.

Ganyan ang pag-ibig. Kailangan mo lang ng mahabang pasensya. Kailangang maghintay.

Pabalik-balik

Nandoon na ako sa puntong iyon, kung saan handa na akong lumayo sa kanya upang makaiwas sa lahat ng sakit. Dahil alam kong kahit kailan ay hindi naman niya ako matututunang mahalan nang higit pa sa isang kaibigan. Handa na akong pakawalan siya at inihahanda ko na ang sarili ko na pakawalan ang nararamdaman ko para sa kanya.

Ngunit mukhang hindi pa pala. Akala ko lang handa na ako. Isang maling akala. Dahil isang pag-uusap lang pala ngayong gabi ang makapagpapalimot sa akin ng mga dahilan upang siya’y iwanan at kalimutan. Dahil isang salita lang niya ay handa akong harapin ulit ang sakit, huwag lang akong mapalayo sa kanya.

Ang hirap, ‘di ba? Hay. Ewan ko nga ba.

NIGHTNIGHT by DEDDY